Inilarawan ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanyang mga senatorial candidate bilang “dream team”.
Sa campaign rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial slate sa Camarines Sur nitong Biyernes, Marso 7, sinabi ng Pangulo na napakadali sa kanyang ipakilala at iendorso ang kanyang mga kandidato sa Senado dahil lahat ay de-kalidad.
“Napakadali para sa akin upang iharap sa inyo ang ating mga kandidato para sa Senado. Bakit po? Dahil tingnan naman n’yo ang lineup ng Alyansa para sa Senado. Bawat isa — narinig n’yo po silang magsalita, narinig n’yo po sila na kung ano ang kanilang nagawa, narinig n’yo po ang kanilang pinaplano kapag sila ay naluklok sa mataas na office ng Senate,” wika ni Marcos.
“Madaling sabihin de-kalidad po ang ating mga kandidato. ‘Pag pinagsama mo, eh halos ito na ‘yung dream team. Para sa politika, ito na ang dream team para sa Senado,” dagdag pa niya.
Kalaunan tinawag ni Marcos ang kanyang sarili na “pinakamasuwerteng Presidente” kung papalarin lahat na maluklok sa Senado ang kanyang mga pambato.
“Ako po, sa palagay ko — ako na ang pinakamapalad na Pangulo kung sila ay mahalal lahat. Dahil kung ‘yan ang kasamahan ko, napakarami po nating magagawa, napakarami po kayong mararamdaman na benepisyo sa national government,” aniya.
Kabilang sa senatorial candidates ni Marcos sina former senators Vicente “Tito” Sotto III at Panfilo “Ping” Lacson, gayundin si Sens. Bong Revilla at Francis “Tol” Tolentino.
0 Comments