Mga mahahalagang isyung may kinalaman sa kapakanan ng mamamayan ang sentro ng atensyon ng Malacañang at hindi ang usapin sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang inihayag ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa harap ng pagkainip umano ng publiko na masimulan ang paggulong ng impeachment proceedings sa Senado laban kay Duterte.
Ayon kay Castro, hindi napag-uusapan sa Malacañang ang impeachment dahil ang tinututukan ng Presidente ay ang may kinalaman sa trabaho at ang paglutas sa ibang problema ng bansa.
“Ilang araw ko ng nakakasama ang Presidente sa mga meetings hindi po namin napag-uusapan yan. mas napag-uusapan namin iyong mga agarang pagtatrabaho at agarang solusyon sa ibang mga problema,” saad ni Castro.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi nakikialam ang Malacañang sa panloob na usapin ng Senado na siyang aaksyon sa nakahaing impeachment complaint laban sa Bise Presidente.
Sinabi ni Castro na trabaho ng Senado na aksyunan ang nakabinbing impeachment complaint kaya hintayin na lamang ng publiko kung kailan kikilos ang mga senador para gumulong ang impeachment proceedings.
“Hindi po kami makikialam. Ang Pangulo po, executive department ay hindi makikialam sa kung ano ang magiging trabaho ng senado,” dagdag ni Castro.
Nauna rito, pinuna ng ilang constitutionalist ang napakabagal na pagkilos at pag-aksyon ng Senado sa nakabinbing impeachment complaint laban kay VP Sara na anila ay hindi rasonableng pagkaantala nito.
0 Comments